Biyernes, Hulyo 10, 2009

B. Kahulugan sa Buhay

37. Ikalawa, tayong mga Pilipino ay mapagpahalaga sa salu-salo o kainan. Dahil nga itinuturing natin ang halos lahat bilang bahagi ng ating pamilya (parang pamilya), tayong mga Pilipino ay kilala sa pagiging maasikasong punong-abala at pagiging panauhing marunong tumanaw ng utang na loob. At ang paglilingkod sa ating mga panauhin sa pinakamahusay na magagawa natin ay likas na mahalaga sa mga Pilino, mayaman man o mahirap. Mahilig tayong magdiwang ng lahat o kahit anong okasyon sa pamamagitan ng isang salu-salo o handaan. Kahit na ang mga panauhing dumating ay hindi inaasahan o hindi inanyayahan, sinisikap parin nating mga Pilipino na asikasuhin silang mabuti, gaano man kaliit, kasabay ang karaniwang pagbati: “Tuloy po kayo at kumain muna tayo.”

38. Si Jesús bilang Eukaristiya ay hindi lamang ang may-handa ng bagong Hapunan ng Paskuwa ( Tingnan 1 Cor 11:23-26), at ang pagkain, ang tinapay ng buhay (Tingnan Jn 6:48-58), kundi siya rin ang panauhin sa bawat pagtitipon (Tingnan Mt 18:20; Pah 3:20). Sa Bagong Tipan ay binabanggit nang mahigit sa dalawampu’t-limang ulit ang kainan. Pagsasalu-salo sa iisang hapag kasama ni Kristong muling nabuhay (Tingnan 1 Cor 10:17). Ang “Komunyon” kung gayon ay nagsisilbing pangunahing patotoo ng sinaunang Simbahan bilang isang Eukaristikong sambayanan. Kaya tayong mga Filipino ay madaling mabihasa sa paghati ng tinapay kasama ni Jesús. Ang “buhay-espirituwal (ng PCP II) para sa panlipunang pagbabagong-anyo ay nakatatagpo sa Eukaristiya hidi lamang ng kabusugan kundi pati na rin ng ganap na madaling pakikipagkaisa sa Panginoon ng kaligtasan at paglaya” (Tingnan PCP II, 281).




Walang komento: