Miyerkules, Hulyo 15 2009

Ang Tawag ng Diyos: Paghahayag


Ito ang buhay na walang hanggan; ang kilalanin ka nila,

Ang iisa at tunay na Diyos, at si Jesu-Kristo na iyong sinugo

(Jn 17:3)

Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama n gating Panginoong Jesu-Kristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay kristo…upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala na isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Kayo ma’y naging bayan ng Diyos.”

(Ef 1:3, 9-10, 13)




Martes, Hulyo 14 2009

MGA TANONG AT MGA SAGOT


55. Sinu-sino ang mga Kristiyano?

Ang mga Kristiyano ay mga babae at lalaking bininyagan sa pananampalatayang nagpapahayag na si Kristo ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao upang maging Tagapagligtas ng lahat. Nabubuklod sila sa Simbahan bilang Kristiyanong “bayan ng Diyos” at hayagang isinasabuhay nila ang pananampalatayang ito sa kanilang personal na paniniwala, masigasig na pagpapatotoo at [pagsamba sa Diyos na kanilang Ama sa patnubay ng Espiritu.

56. Paano tayo magiging higit na tunay na Pilipino sa pamamagitan ng pagiging higit na tunay na Kristiyano?

Sa pamamagitan ng pagtuklas at pagpapahayag natin kay Jesu Kristo sa pansarili at pambansa nating kulturang Pilipino, tayong mga Pilipinong Katoliko ay nag0aanyaya kay kristo upang tayo’y dalisayin at pagalingin, at pagkalooban tayo ng buhay na ganap sa kanyang Espiritu sa lob ng Simbahang pamayanan.

57. Paano iniuugnay ng Simbahan ang pagiging Kristiyano sa ating kulturang Pilipino?

Mayroong kapwa-kaugnayan:

  • ang “pagiging Kristiyano” ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino,
  • ang pagiging ganap sa Pananampalatayang Kristiyano ay nagmumula lamang sa personal na pagsasaloob ng mensahe ni Jesus sa Pilipinong paraan ng pag-iisip, pagmamahal at pagpapahalaga.

Itinuturo ng Simbahan na kailangang makilala nating mga Kristiyanong Pilipino ang sarili nating kultura at sa pamamagitan n gating Pananampalatayang Kristiyano kay Kristo, padalisayin, pangalagaan, paunlarin at gawing ganap ito.

Gayundin, kailangang “iangkop natin sa kultura” an gating Pananampalatayang Katoliko sa mga pamamaraan nating maka-Pilipino. (Tignan AG, 21; PCP II, 202-11).

58. Ano ang ilan sa mga pangunahing katangian ng Pilipino?

Ang mga Pilipino ay mapagpahalaga sa pamilya, mapagpahalaga sa salu-salo, matiyaga at matiisin, palahanga sa bayani, at may malalim na paniniwala sa daigdig ng mga espiritu.

59. Paano bumabagay si Jesu-Kristo ayon sa ipinahahayg ng aral-Katoliko sa mga katangiang Pilipino?

Bilang Anak ng Diyos at Anak ng Tao, si Jesu-Kristo ang:

  • naghahatid sa ating mapabilang sa pamilya ng Diyos na ating Ama;
  • bumubusog sa atin bilang Eukaristiya;
  • nagliligtas sa atin bilang Nagdurusang Lingkod;
  • nag-aanyaya sa atin na ilaan an gating sarili sa Kanya bilang ating bayani at haring Muling Nabuhay;
  • nararanasan natin sa kanyang sambayanan, ang Simbahan;
  • nagkakaloob sa atin ng kanyang Ina, si Maria upang ating maging Ina sa biyaya.

60. Ano ang bokasyon natin bilang mga Pilipinong Katoliko sa Asya?

Tinatawag tayong mga Pilipinong Katoliko, bilang indibidwal at sama-sama bilang kaanib ng isang Simbahan, upang ibahagi si Kristo sa mga kapatid nating Asyano sa pamamagitan ng salita at pagpapatotoo, sa pamamagitan ng aktibong pagtataguyod sa katotohanan, katarungan, kalayaan at Kristiyanong pag-ibig sa lahat ng tao.

Ito ay nangangahulugan ng “paghayo sa patnubay ng Espiritu upang panibaguhin ang sanlibutan-ang higit na malawak na mundo ng Asya at sa labas pa nito, habang inilalaan natin an gating sarili para sa pagpapanibago at pagkakaisa ng buong sangnilikha ng Diyos” (PCP II, 7).

Ang tawag sa atin ay sumulong mula sa pagiging tunay na “Simbahan ng mga Dukha,” sa pamamagitan ng “Panibago at Buong Ebanghelisasyon,” tungo sa pagiging isang tunay na “Sambayanan ng mga Alagad no Kristo” sa daigdig (Tingnan NPP).



PAGBUBUO


53. Ang “doktrinang” ito tungkol sa pagkakakilanlan, kabuluhan, pagdurusa, pananagutan at pananaw sa daigdig ng mga Pilipinong Katoliko ay isinasabuhay ayon sa Kristiyanong batayan ng pamumuhay, lalo na ang pangunahing utos ng Pag-ibig ni Kristo. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagpahalaga sa tao. Inuuna natin ang mga personal na damdamin at pakikipagkapwa-tao nang higit pa sa mga umiiral na batas o anumang tungkulin. Ang likas na pagkamakataong ito ng labis na pagpapahalaga natin sa pamilya, kamag-anak, kaibigan o barkada ay patuloy na dinadalisay ng mensahe at Espiritu ni Kristo. Itinuturo ng Kristiyanong panlipunang batayan sa pamumuhay na lampasan natin ang ganitong maliliit na pangkat para sa kapakanan at kabutihan ng higit ng malaking pamayanan.

54. Higit na kapansin-pansin ang ating pagkagiliw sa pagdiriwang. An gating pagkakakilanlang Kristiyano bilang mga Pilipino ay likas na kaugnay ng Kristiyanong pagsamba sa pagdiriwang natin ng Pasko, Mahal na Araw, mga pista at mga kapistahan ni Maria-bawat isa sa natatanging paraang Pilipino. Muli, ang Espiritu ni Kristo ay kumikilos mula sa loob upang dalisayin ang maalab na kabanalang dulot ng mga debosyon ng mga Pilipinong Katoliko mula sa lahat ng mga mapamahiing kaugalian o pagpapagaling na gumagamit ng mahika. Malaki ang naitututlong ng tunay na Kristiyanong panalanging pinag-aalab ng Espiritu upang gabayn ang ganitong mga payak na pagpapahayag ng nadaramang pag-ibig sa Ama sa pamamagitan ni Kristo. May natatanging kahalagahan ang mga nakaugaliang debosyong Pilipino kay Maria na umaayon sa at nagpapahayag ng malalalim na hangarin ng Pilipinong Katoliko.




H. Ang Pilipinong Katoliko


49. Mula sa maka- Mariang paraang ito ng pag-unawa sa pagkakaugnay ng limang katangiang Pilipino at ng mga pangunahing katangian ni Jesu-Kristo, makagagawa tayo ng pahapyaw na paglalarawan sa pilipinong Katoliko. Una sa lahat, tayo ay mga Pilipinong mapagpahalaga sa pamilya na madaling makipag-usap sa Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang bugtong na Anak na nagkatawang-tao, an gating Panginoong Jesu-Kristo. Ang malalim na katotohanan n gating sariling-pagkakakilanlan ay nakikita sa debosyon natin sa Sto.Niňo at sa Mahal na Birhen. Ikalawa, nakatagpo tayo ng kahulugan sa ating buhay at natututo tayong humarap sa pagkagutom at paghihikahos na nasa ating paligid sa pakikipagtagpo kay Jesus bilang Eukaristiya sa ating parokyang sambayanan. Sa Paligid ng hapag ng Panginoon, tayong mga Pilipinong Katoliko ay natitipon sa pananalangin upang magbahagi n gating panahon, lakas at maging ng ating buhay, para sa paglilingkod sa mga kapatid nating nangangailangan at para sa pagbubuo ng mga tunay na Kristiyanong pamayanan ng katarungan, pag-ibig at pagpapagaling.

50. Ikatlo, dahil nakatagpo na natin si Kristo bilang Nagdurusang Lingkod, sa kanyang Pagpapakasakit (Pasyon), maaari tayong manalangin tungkol sa kasalanan at kapatawaran, tungkol sa katarungan at pagkakasundo, tungkol sa pagdurusa at pagpapakasakit n gating kababayang Pilipino ngayon. May lakas tayong maghandog ng sarili kasama ni Jesus bilang tinapay na hinati para sa daigdig, dahil naniniwala tayo, taglay ang matibay na pag-asa na ang ipinakong Kristo ay nabuhay na mag-uli at nagtagumpay laban sa kasalanan, sa kamatayan at sa daigdig.

51. Ikaapat, dahil tayo ay madaling hutukin tulad ng kawayan (madaling makibagay sa “ihip ng hangin”) at matibay tulad ng narra, inilalaan nating mga Pilipinong Katoliko an gating sarili kay Kristo, ang bayaning-hari natin, bilang pasasalamat sa kaloob na pananampalataya at sa ating pagiging Pilipino. Panghuli, ang pananaw natin sa daigdig bilang mga Pilipinong Katoliko ay unti-unting pinagbabagong-anyo ng Espiritu-ni-Kristo-sa-daigdig na kumikilos sa ating Simbahang pamayanan.

Sa kaloob-looban ng diwang Pilipino ay naroon ang pag-asam sa kaayusan, para sa katahimikan mula sa malaking kaguluhan, isang pag-asam para sa buhay na ipinagkakaloob ng mapanlikhang Espiritu ni Jesus, isang kaloob na isa ring hamon (Tingnan PCP II, 257). Sa pamamagitan ng mga pakikipagtagpo natin kay Kristo sa mga sakramento, nararanasan natin ang kapangyarihan ng kanyang Espiritung nagpapagaling at nagbibigay-lakas. Sa Espiritu ni Kristo, sa tulong ng inspirasyong dulot ng Mahal na Birhen, si Mariang ating Ina, ang pagpapatotoo nating mga Pilipinong Katoliko kay Jesus ay pinatutunayan ng paglilingkod nating pananalangin para sa minamahal nating mga yumao.

52. Sino, kung gayon, ang mga Pilipinong Katoliko? Tayo ang pamayanang nakaranas sa iba’t ibang paraan, na an gating pagkakakilanlan bilang Pilipino, kabuluhan, pagdurusa, pananagutan at pananaw sa daigdig ay kaugnay lahat kay Jesu-Kristo. Tulad ng isang diamanteng may libu-libong tapyas, nagagawa ni Kristong ibunyag sa bawat tao at bansa ang sarili nilang kaisahan at katotohanan at kahalagahan. Samakatuwid, tayong mga Pilipinong Katoliko ay pamayanan na:

* sa pagiging mga binyagan sa pagka-alagad ni Kristo ay nakakatuklas sa ating pagkakakilanlan bilang mga ampong anak na ating Ama at bilang mga kaanib ng Katawan ni Kristo, ang Simbahan, na pinag-aalab ni Mariang Ina natin;

* sa Paghahati ng tinapay sa hapag ng Panginoon, ay nakakatagpo ng kahulugan sa pakikibahagi natin sa kapatiran ng Simbahan, sa isa’t isa at kay Kristong Pari at Eukaristiya natin;

* sa pakikipagtagpo natin kay Kristong Ipinako, ay pinalalakas sa gitna ng mga pagdurusa at kahirapan sa buhay at tumatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan sa bias ng kanyang mga sakramento;

* nagtatalaga ng ating sarili sa Panginoon nating Muling Nabuhay at sa kanyang misyon sa pamamagitan ng kaloob na Pananampalataya, na ipinagdiriwang nang may malaking Pag-asa sa mga Sakramento, at isinasabuhay sa Pag-ibig at paglilingkod sa kapwa;

* bumubuo n gating pananaw sa daigdig sa patnubay ng Espiritu ni Kristong Muling Nabuhay, na nararanasan sa sambayanang Kristiyano, ang Simbahan at siyang nagpapasigla sa atin sa ating paglalakbay ng buhay-kay-Kristo;

* hayagang nagsasabuhay sa buhay-Kristiyanong ito ayon sa makapangyarihan at maalab na presensiya ni Mariang Ina at Huwaran natin.




Sabado, Hulyo 11 2009

G. Ang Pamamaraang Filipino


45. Ngunit ang pagtanggap kay Jesu-Kristo na tumutugon sa mga pangunahing katangiang Pilipinong ito ay lumitaw sa kasaysayan at nagpapatuloy sa isang karaniwang paraang “maka-Pilipino.” Ang pangunahing katangian ng Simbahan sa Filipinas ay ang pagiging pueblo amante de Maria” – isang sambayanang nagmamahal kay Maria. Bago p aman dumating ang mga Kastilang misionero, mayroon nang isang maliit at itim na imahen ng Mahal na Birhen na kilala lamang na “galling sa karagatan,” ang pinararangalan sa dalampasigan ng Manila Bay. Doon nagsimula ang debosyon sa Nuestra Seňora de Guia, Ang Mahal na Birheng Gabay ng Daan, ang natitirang pinakamatandang imahen ni Maria sa Filipinas (PCP II, 153).

46. Ang karaniwang “maka-Pilipinong” paraan ng paglapit kay Kristo, samakatuwid, ay kasama ni Maria at sa pamamagitan ni Maria. Ang debosyon kay Maria ay laging may matalik na kaugnayan kay Kristo. Ang dalawang pangunahing Misteryo ng ating Pananampalataya kay Kristo. Ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao na ipinagdiriwang tuwing Pasko at ang Pagliligtas na ipinagdiriwang tuwing Mahal na Araw (Semana Santa) ay may malalim na tatak ng pagpaparangal kay Maria. Malinaw na makikita ito sa Simbang Gabi (Misa de Gallo o de Aguinaldo) at sa Panunuluyan sa panahon ng Pasko at sa Salubong sa umaga ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (NCDP, 242).

47. Tila bahagi na nga n gating kalikasan bilang mga Pilipino ang debosyon at pananalangin kay Maria. Malaki ang bahagi ni Maria sa bawat isa sa limang katangiang Pilipino na naghahatid sa atin kay Kristo. Ang mga altar na matatagpuan sa maraming tahanang Pilipino ay nagpapatunay ng pagtanggap natin kay Maria bilang ina ni Jesús at espirituwal na ina. Samakatuwid, siya ay nasa sentro ng ating pagpapahalaga sa pamilya. Bilang mahiligin sa pagdiriwang at salu-salo, ang buwan ng Mayo na tinatawag na buwan ni Maria, ay kilala sa mga pista para sa kanyang karangalan at mga paglalakbay sa kanyang mga dambana. Sa ating pagdurusa sa buhay, kinikilala natin si Maria bilang Mater Dolorosa, ang Nagdadalamhating Ina, na ang “Laging Saklolo,” habag at pagmamahal ay ating hinihingi, sa pamamagitan ng mga kalat na nobena at iba pang debosyon.

Dahil mapagpahalaga tayo sa mga bayani, itinuturing natin si Maria bilang Reyna natin, ang mapagmahal na ina ni Kristong ating Hari. Gayundin naman, siya ang dalagang nagtalaga ng buhay: “Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi” na tatlong ulit na binabanggit sa “Orasyon” (Angelus). At panghuli, bilang mga Pilipinong mapaniwala sa espiritu, pinararangalan natin si Maria bilang babaeng nililiman ng Espiritu Santo upang ang isisilang niya’y matawag na Anak ng Diyos (Tingnan Lu 1:35). Ang maraming grotto ng Lourdes sa iba’t ibang panig ng bansa ay nagpapatunay lamang na tayong mga Pilipino ay madaling maakit sa kanyang maraming pagpapakita.

48. Malawi ang naitutulong ng debosyon kay Maria, ang Mahal na Birhen, wsa mga karaniwang Pilipino upang manatili silang Katoliko. Ang malalim na debosyon nila sa Ina ng Diyos ay naging matinding lakas nila sa pagpapanatili ng kanilang buhay na pananampalataya (Ang Mahal na Birhen, 67). Noon at ngayon, si Maria ay nananatiling maalab na inspirasyon na nagbibigay-lakas sa pagdadala ng higit na malalim na pagpapahayag ng Ebanghelyo sa ating masang Pilipino, “ang pananggalang sa pagpapanatili n gating Katolikong Pananampalataya at ang saligan na mas malalim at ganap na pagpapahayag ng Ebanghelyo” (Ang Mahal na Birhen, 72-73).




E. Pananaw sa Daigdig


43. Ikalima, tayong mga Pilipino ay mapaniwala sa espiritu. Madalas na sinasabing tayo ay likas na mga “psychic.” May malalim tayong paniniwala sa mga kahima-himala at sa lahat ng uri ng espiritung nananahan sa mga tao, lugar at bagay. Maging hanggang ngayon sa panahon ng agham at teknolohiya, patuloy par in ang mga Filipino sa pagtawag sa mga espiritu sa iba’t-ibang gawain lalo n asa panggagamot sa pamamagitan ng pananalig (“faith healing”) at sa pagpapalayas ng masasamang espiritu (“exorcism”).

44. Si Jesús bilang “manggagawa ng mga himala,” na nangakong ipadadala ang kanyang Espiritu sa kanyang mga alagad upang bigyan sila ng bagong buhay, ay lubhang Madang-akit sa ating mga Filipino (Tingnan Jn 15:26; 16:7; 13-14). Ang Espiritu Santo, na isinugo ng Ama at ni Kristong Muling Nabuhay, ang siyang nagbubuklod sa atin bilang sambayanan kung saan ang mga pamahiin at mapang-aliping mahika ay nadadaig ng tunay na pagsamba sa Ama “ sa espiritu at sa katotohanan” (Tingnan Jn 4:23). Sa sambayanan ni Cristo, ang Simbahan, “ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu para sa ikabubuti ng lahat” (1Cor 12:7). Ang Espiritu ring ito, na nagbigay ng kapangyarihan kay Jesús na makagawa ng mga himala, ang kumikilos sa kanyang mga alagada t nagbubuklod sa kanila sa turo ng mga apóstol at sa pagtitipon ng sambayanang naghahati ng tinapay at nananalangin sa pamamagitan ni Kristong kanilang Panginoon (LG, 13).




D. Pananagutan sa Buhay


41. Ikaapat, tayong mga Filipino ay mapagpahalaga sa bayani. Ang bayani ay isang kinikilalang tao. Tayong mga Pilipino ay likas na tagasunod sa mga likas na bayani. Dahil sa ating pagiging matiyaga at matiisin, hindi tayo madaling sumuko o tumanggap ng pagkatalo at kabiguan. Madalas likas nating iniuugnay sa sarili ang anumang mabuting layunin bilang namumuno, ang layunin nito ay ipagtanggol ang mahihina at naaapi. Upang ipagtanggol ang ganitong likas na karangalan n gating pagkatao, tayong mga Pilipino ay handing mag-alay maging n gating buhay.

42. Si Jesus bilang Kristong Hari (Cristo Rey) ay lubos na nakatutugon sa Pilipinong mapagpahalaga sa bayani. Bilang ipinanganak na mapanuri sa lipunan, mga tapagtatag at martir, nakikita natin si Jesu-Kristo bilang Mananakop ng daigdig sa pamamagitan ng kanyang misión bilang propeta, hari at pari (Tingnan PCP II, 57-61). Naparito si Jesús bilang sugo ng Ama, upang tuparin ang kalooban nito (Tingnan jn 5:30). Sinugo siya “upang ipangaral sa mga dukha, ang Mabuting Balita upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lacaya at sa mga bulag, na sila’y makakikita upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil” (Tingnan Lu 4:18). Bagamat siya mismo ay isang “tandang hahamakin” (Lu 2:34), dinala niya ang kaharian ng Diyos sa kanyang bayan sa pamamagitan ng kanyang pangangaral (Tingnan Mt 7:29) at mga tanda. “Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.” (Tingnan Lu 7:22). Kaya bilang mga nagpapahalaga sa bayani, iniluluklok nating mga Filipino ang imahen ng Kristong Hari. Tinitiyak niya sa atin na ang lahat ay magiging maayos sa Bandung huli. Lubos na nagtagumpay ang Kristong Hari laban sa kasamaan.




Biyernes, Hulyo 10 2009

K. Mga Pagdurusa sa Buhay


39. Ikatlo, tayong mga Filipino ay magiliwin sa kundiman. Ang kundiman ay isang malungkot na awiting Filipino tungkol sa sawing pag-ibig. Likas sa mga Pilipino ang maakit sa mga bayaning handing mag-alay ng buhay sa ngalan ng pag-ibig. Labis tayong matiisin at mapagpatawad: “Magpapaka-alipin ako ng dahil sa iyo.” Ang pagtanggap na ito sa pagdurusa ay nagpapakilala sa isang malalim, positibo at espirituwal na pagpapahalaga ng kaloobang Pilipino.

40. Si Jesus, ang Nagdurusang Lingkod sa aklat ni propeta Isaias ay naisasalarawan sa mga paborito nating imahen ng Padre Jesús Nazareno, ng Santo Entierro o ng Mahal na Puso. Sa mga larawang ito ay nakikita natin si Jesús bilang isa sa “pinakamaliit nating kapatid”: ang nagugutom at nauuhaw, ang walang damit, ang maysakit, ang malungkuting dayuhan at ang bilanggo (Tignan Mt 25:31-46). Kung gayon, kay Jesús, ang Nagdurusang Lingkod, ay nakikita nating mga Filipino ang isang nagpapagaling at nagpapatawad na Tagapagligtas na nakakaunawa sa ating mga kahinaan, mga kabiguan natin, pangamba, kalungkutan at panghihina ng loob. Sapagkat ang lahat ng ito ay dinanas mismo ni Jesús. Sa ating mga Filipino na nagagawang ipagdiwang maging ang mga pagdurusa at kahirapan ng buhay sa pamamagitan ng awit ay tumatawag si Jesu-Kristo: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin at kayo’y pagpapahingahin ko” (Tingnan Mt 11:28).




B. Kahulugan sa Buhay

37. Ikalawa, tayong mga Pilipino ay mapagpahalaga sa salu-salo o kainan. Dahil nga itinuturing natin ang halos lahat bilang bahagi ng ating pamilya (parang pamilya), tayong mga Pilipino ay kilala sa pagiging maasikasong punong-abala at pagiging panauhing marunong tumanaw ng utang na loob. At ang paglilingkod sa ating mga panauhin sa pinakamahusay na magagawa natin ay likas na mahalaga sa mga Pilino, mayaman man o mahirap. Mahilig tayong magdiwang ng lahat o kahit anong okasyon sa pamamagitan ng isang salu-salo o handaan. Kahit na ang mga panauhing dumating ay hindi inaasahan o hindi inanyayahan, sinisikap parin nating mga Pilipino na asikasuhin silang mabuti, gaano man kaliit, kasabay ang karaniwang pagbati: “Tuloy po kayo at kumain muna tayo.”

38. Si Jesús bilang Eukaristiya ay hindi lamang ang may-handa ng bagong Hapunan ng Paskuwa ( Tingnan 1 Cor 11:23-26), at ang pagkain, ang tinapay ng buhay (Tingnan Jn 6:48-58), kundi siya rin ang panauhin sa bawat pagtitipon (Tingnan Mt 18:20; Pah 3:20). Sa Bagong Tipan ay binabanggit nang mahigit sa dalawampu’t-limang ulit ang kainan. Pagsasalu-salo sa iisang hapag kasama ni Kristong muling nabuhay (Tingnan 1 Cor 10:17). Ang “Komunyon” kung gayon ay nagsisilbing pangunahing patotoo ng sinaunang Simbahan bilang isang Eukaristikong sambayanan. Kaya tayong mga Filipino ay madaling mabihasa sa paghati ng tinapay kasama ni Jesús. Ang “buhay-espirituwal (ng PCP II) para sa panlipunang pagbabagong-anyo ay nakatatagpo sa Eukaristiya hidi lamang ng kabusugan kundi pati na rin ng ganap na madaling pakikipagkaisa sa Panginoon ng kaligtasan at paglaya” (Tingnan PCP II, 281).




A. Sariling – pagkakakilanlan


34. Una, tayong mga Pilipino ay mapagpahalaga sa pamilya. Mahalaga para sa atin ang ugnayang anak at magulang. Ang ama, ina at anak ay mahalaga sa ating kultura at damdamin sapagkat tayong mga Pilipino ay nagpapahalaga sa kaugnayan natin hindi lamang sa ating sariling pamilya kundi pati na rin sa mga pamilyang “karugtong” nito (mga ninong ninang at iba pa). Ang pagsesentrong ito sa pamilya ang nagdudulot sa atin ng damdaming tayo ay kabilang, matatag at ligtas. Para sa ating mga Pilipino, ang likas na pinanggagalingan ng ating sariling-pagkakakilanlan ay ang ating mga pamilya.

35. Si Jesus, bilang Anak ng Diyos (Son of God) at Anak ng Tao (Son of Man), ay naglalapit ng kanyang sarili sa ating mga Pilipino na makapamilya o nakasentro sa pamilya. Bilang Anak ng Tao, inihahatid tayo ni Jesus sa kanyang Inang si Maria (Ina ng Diyos) na kanyang ibinahagi sa atin (Tingnan Jn 19:26-27). Kaya naman pinatutuloy niya tayo sa kanyang tahanan, iniaalay niya ang sarili bilang kapatid natin at sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag ay dinala niya tayo sa isang bagong pagkakakilanlan at patungo sa buhay-pamilya ng kanyang Ama sa langit (Tingnan Jn 3:5-7).

36. Ano pa ba ang higit na makapagpapaalaala sa atin n gating kamusmusan o higit na makatutugon sa likas na pagkagiliw natin sa mga bata kundi si jesus na Sto. Niňo? Sa gulang na labindalawa, si Jesus ay isa nang marunong at mapagsapalarang bata ngunit nanatili siyang masunurin sa kanyang mga magulang ( Tingnan Lu 2:41-51). Sa kanyang buhay-publiko, niyakap niya ang mga batang maliliit at pinangaralan ang kanyang mga alagad na maging tulad ng isang bata sa pagiging bukas at sa kababaang-loob (Tingnan Mt 18:2-4). Tunay nga na dahil sa pagpapahalaga natin sa pamilya ay madali tayong maakit kay Jesus na taga-Nazaret, Anak ng Diyos at Anak ng Tao. Kaya naman sa artikulo 46-48 ng PCP II ay binibigyang-diin ang natatanging kahalagahan ng pamilyang Pilipino bilang tagapagtaguyod at tagatanggap ng ebang-helisasyon.




PAGLALAHAD


33. Upang malaman natin kung ano ang ibig sabihin ng “Pilipinong Katoliko” ay kailangan nating itanong: Kanino natin likas na kinukuha ang ating sariling-pagkakakilanlan? Saan natin natatagpuan ang pinakamalalim na kahulugan sa ating buhay? Paano natin hinaharap ang pagdurusa? Paano natin pinaninindigan an gating mga adhikain sa buhay? Ano ang pananaw natin sa daigdig sa kailaliman nito at sa lihim na katotohanan nito? Ang maiikling sagot sa mga katanungang ito ay maaaring mabalangkas sa pamamagitan ng pagbibigay-tuon sa limang nangingibabaw na mga katangiang Pilipino, kasama ang limang pinakamahalagang katangian ni Jesu-Kristo, kapwa ito uunawain sa karaniwang ‘pamamaraang Pilipino’ patungo kay Jesus. Sa pamamagitan nito ay agad mabibigyang-kahulugan kung sino ang Pilipinong Katoliko, at maipakikita rin na sa ating bansa, ang pagiging higit sa pagka Kristiyano ay ang pagiging higit na tunay at totoong Pilipino.




KALALAGAYAN


31. Tayong mga Pilipino ay may mahabang kasaysayan ng mga karanasang panrelihiyon na lubhang matindi at makulay: mula sa mga panahong bago dumating sa atin ang Kristiyanismo, sa daan-daang taong pagpapalaganap ng ebanghelyo ng mga Kristiyanong Kastila, tuloy sa pagdagsa ng Amerikanong Protestante noong panahon ng Commonwealth at sa pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hanggang sa makalipas ang “Ikalawang Pentekostes” ng Vaticano II at sa “People Power” at hanggang sa mga “Basic Christian Communities” ngayon at ang Second Plenary Council of the Philippines (PCP II). Ang pagkaunawa at pag-ibig natin kay Jesukristo ay nakulayan n gating mga pansarili at pambansang karanasan ng pagdurusa at pakikibaka, ng tagumpay at pagdiriwang. Ang pananampalataya natin kay Jesus ay natatakan n gating malalim na debosyon kay Maria na kanyang Ina at ating Ina at ating Ina at Huwaran. Kahit papaano, ang lahat ng mga karanasang ito ay nagbigay linaw at katiyakan sa ating natatanging pagkakakilanlan bilang mga tao, bilang mga Kristiyano, bilang mga Pilipino, bilang isang bansa.

32. Ang PCP II ay isinagawa “upang suriin kung nasaan na tayo; upang tignan kung nasaan tayo patungo; upang muling papag-alabin ang buhay natin kay Kristo; upang pagkaisahin ang lahat ng bagay sa Kanya (PCP II, 7). Kung gayon, ang ating Pananampalatayang Katoliko ay dapat nakaangkop sa ating natatanging kulturang Pilipino na may bahagi rin sa paghubog n gating mga karanasan sa pananampalataya sa paglipas ng mga taon. Ang Katesismong ito ay kumakatawan sa isang seryosong pagsisikap na makapaglahad ng mga mahahalagang nilalaman ng Pananampalataya na nakaangkop sa kultura ng mga Pilipinong Katoliko ngayon.





PANIMULA

28. Ito ay isang aklat tungkol sa buhay kay Cristo, buhay na naaayon sa Ebanghelyo. Ang “Mabuting Balita” ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos kay Jesu-Kristong ating Panginoon, na naparito upang iligtas tayo sa kasalanan at patnubayan tayo sa kaganapan ng buhay. Ito ang Ebanghelyong tinanggap nating mga Filipino. Tulad ng ipinagmamalaking ipahayag ng PCP II: “Para sa ating mga Filipino, ang unang siglo ng darating na milenio ay magtatakda sa ika-500 taon mula nang tanggapin natin, bilang isang bayan, ang Pananampalataya” (PCP II, 3). Ito ang nagtuturing sa atin bilangtanging bansang Kristiyano sa gitna ng mga kapatid nating taga-Asya. May mga malalim na pagkakaugnay ang mensahe ni Kristo at ang mga natatanging takbo ng pag-iisip at pagkilos ng mga Pilipino. “Malaking bahagi ng Ebanghelyo ang naging bahagi na rin natin-ang pagkahabag, pagpapatawad, pagkalinga, kabanalan-na siyang dahilan n gating pagiging isang baying marangal (PCP II, 15). Sa nakalipas na mga siglo, hanggang sa mahirap na panahon natin ngayon, ang pagiging ganap sa pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan ng pagiging higit na tunay at totoong Pilipino.

29. Itinuturo ng Vaticano II na ang mga Katoliko ay “dapat magbigay-pahayag sa bagong buhay Jristiyanong ito” sa sarili nilang lipunan at kultura at sa paraang naaayon sa mga tradisyon ng sarili nilang bayan.” Kung gayon, patungkol sa ating mga Pilipinong Katoliko, sinasabi ng Konsilyo na

dapat (nating) kilalanin ang ating kultura, padalisayin at pangalagaan ito, at paunlarin ito ayon sa kalagayan ng kasalukuyang panahon. Dapat nating gawing ganap it okay Kristo upang ang pananampalataya kay Kristo at ang buhay ng Simbahan ay hind imaging banyaga sa lipunang tinatahanan natin, sa halip ay simulan ng mga itong baguhin at pasukin ang kultura. (AG, 21)

30. Binibigyang-diin ng PCP II ang pag-uugnayan sa pagitan ng Pananampalatayang Kristiyano at ng kulturang Pilipino. “Kaya dapat nating tingnang mabuti kung paanong mapapalakas ng mga pagpapahalagang mayroon tayo mula sa Pananampalatayang Kristiyano ang mabubuti sa mga pagpapahalagang mula sa ating kultura, at iwasto kung anuman ang kalabisan sa mga ito at punuan ang kanilang mga kakulangan” (PCP II, 22). Gayundin,

kailangang isapuso ang Pananampalataya upang maging ganap ito sa pag-ibig. Bilang isang baying may sarili’t natatanging kultura at sariling mga paraan ng pag-iisip at pagpapahalaga, dapat nating personal na pahalagahan at tangkilikin ang mga turo at gawain ng Simbahan . Dapat mag-ugat ang Pananampalataya sa kaibuturan n gating pagka-Pilipino upang tunay tayong manampalataya at umibig bilang mga Pilipino. (PCP II, 72)

Kabanata 1:Sino ang Pilipinong Katoliko

Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita naming ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.

(Jn 1:14)

Tayo [mga Pilipino] ay mga tagasunod ni Kristo, mga alagad niya. Ang pagsunod natin sa mga bakas ng kanyang yapak ay [nangangahulugan ng] pag-bigkas ng kanyang salita sa pag-ibig sa kapwa sa bisa ng kanyang pag-ibig, pamumuhay sa bisa ng kanyang buhay… Ang paghinto sa pagsunod sa kanya ay pagkakanulo sa ating pagkakakilanlan.

(PCP II, 34)

Mga Saligan


Ang pambungad na bahagi ng pambansang katesismong ito ay binubuo ng apat na kabanata na nagsisilbing haligi ng buong katesismo: ang Pahayag at Pananampalataya sa konkretong karanasang pantao ng mga Pilipino, pansarili at panlipunan.

Sa Kabanata I ay inilalarawan ang Pilipinong Katoliko na siyang pinatutungkulan ng katesismong ito. Napakahalaga ang “pag-aangkop sa kultura” ng lahat ng katesismo ngayon lalo na para sa isang “pambansang” katesismo na ang tiyak na layunin ay ipahayag ang mga pinakamahahalagang nilalaman ng Pananampalatayang Kristiyano habang isinasaalang-alang ang pananaw nating mga Pilipino. Ito ang hamong inihaharap sa atin ng second plenary Council of the Philippines(PCP II).

Sa Kabanata 2 ay inilalahad ang Pahayag ng Diyos bilang saligan n gating Pananampalatayang Katoliko. Agad itong sinusundan ng Kabanata 3 na tumatalakay naman sa Pananampalataya, ang ating positibong pagtugon sa Pahayag. Hindi lubusang mauunawaan ang alinman sa Pahayag o maging sa Pananampalataya kung ito’y magkahiwalay. Hindi ito mga haka-haka lamang na mahirap maunawaan kundi ang katotohanan ng Diyos na buhay na aktibong nag-aanyaya sa atin upang tayo ay Malaya at personal na tumutugon sa pananampalataya at pag-ibig. Ang Diyos ay ipinahayag ni Jesu-Kristong ating Panginoon, na siyang namagitan upang tayo ay makatugon sa pananampalataya sa pamamagitan ng Espiritu Santong isinugo ng Ama at ni Kristong Muling Nabuhay.

Ang Kabanata 4 ay tungkol naman sa laganap na suliranin sa kasalukuyan maging sa Pilipinas, ang Kawalan ng Paniniwala. Ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang Sarili at an gating tugon sa Pananampalataya ay hindi nagaganap sa isang hungkag na lugar kundi sa tiyak na “kalagayang pantao” nating mga Pilipino na naglalagay ng napakaraming hadlang sa ating buhay na pananampalataya. Ang pangunahing suliranin ay hindi ang paniniwalang walang Diyos, kundi ang “kawalan ng paniniwala ng mga mananampalataya”—lubhang marami ang nagsasabing mga Kristiyano sila ngunit hindi naman nakikita ang epekto ng Pananampalatayang kristiyano sa kanilang buhay…

Sa masusing pagkakabuo ng katesismong ito, ang saligan ay inilalagay para sa pagsisimula ng isang matatag, mapanuri, napapanahon, at tunay na umaangkop sa kultura sa pag-aaral ng Doktrina, Moral na Pamumuhay at Pagsambang Katoliko. Masasabing ang layunin ng tatlong Bahagi ng Katesismong ito at ang sumusunod na mga kabanata nito ay may natatanging gampanin na isa-isang tukuyin ang mga pangunahing kahulugan ng pagkakaloob ng Diyos ng Kanyang Sarili sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesu-Kristo, at ang personal nating tugon sa pananampalataya, sa paniniwala, sa pagkilos at sa pananalangin bilang mga alagad ni Kristo, sa loob ng Simbahan na kanyang Katawan.




Paano Gagamitin ang Katesismong ito?


22. Upang makita ang hinahanap na paksa kaugnay ng Pananampalatayang Katoliko, sumangguni muna sa Mga Nilalaman na bumabalangkas sa buong aklat. Para sa mas tiyak na kinaroroonan ng mga paksa, sumangguni sa Taluntunan ng lahat ng mga paksang tinatalakay sa Katesismo na matatagpuan sa mga huling pahina ng aklat.

23. Upang mapadali ang pagsangguni at paggamit sa Katesismong ito, pareho ang balangkas na sinusunod ng bawat kabanata. Ang bawat kabanata ay nagsisimula sa ilang sitas mula sa Biblia o sa Mahisteryo at sa isang maikling Panimula na siyang nagpapakilala sa paksang tatalakayin at nag-uugnay nito sa iba pang nauukol na paksa sa Katesismo. Sinundan ito kaagad ng Kalalagayan na nagbibigay-tuon sa paksang sumasakop sa ating natatanging kalagayang Pilipino, kaugnay ng mga tiyak na suliranin nito, mga pananaw, mga pagpapahalaga at mga kahinaan. Matapos ang “pagsasakalagayan” ay tinalakay naman ang paksa sa Pagpapaliwanag kung saan ipinaliliwanag ang mahahalagang nilalaman na hinalaw mula sa Kasulatan at turo ng Simbahan at tuluyang kaugnay sa tukoy na karanasang pantao ng Pilipinong Katoliko ngayon.

24. Ang Paglalahad ang pangunahing bahagi ng bawat kabanata, at sinusundan ito ng isang maikling bahagi na tinatawag na Kabuuan (o Paglalagom). Nagbibigay ito ng isang malinaw na halimbawa ng pagkakaugnay-ugnay ng larangang tungkol sa aral-pananampalataya, sa asal-pamumuhay at pagsamba sa paksang tinalakay sa kabanata. Samakatuwid, ang Kabuuan (Paglalagom) ay tumutugon sa isang mahalagang alituntunin ng NCDP na nagmumungkahing patuloy na pag-uugnay-ugnayin ang Doktrina, Moral na Pamumuhay at Pagsamba upang higit na malinaw na maipakita ang katotohanan ng Pananampalataya sa tunay na karanasan. Ngunit isang halimbawa lamang ang malimit na ibinibigay upang magsilbing paanyaya sa pagbuo ng maraming iba pang halimbawa ng pangunahing pagkakaugnay-ugnay ng tatlong nabanggit na mga larangan.

25. Sa huli, nagtatapos ang bawat kabanata sa isang serye ng Mga Tanong at Mga Sagot na siyang naglalagom sa mga pangunahing nilalaman ng kabanata. Madali lang ang paraan ng pagsagot, madalas ay pagsasaayos ng konteksto sa magkakasunod na paraan para mapadali ang pagkaunawa at pananatili sa alaala.

26. Ang bahagi ng Mga Tanong at Mga Sagot sa bawat kabanata ay naglalayong tumugon sa dalawang pangangailangan. Una, ang pangangailangan ng mga Katoliko ng mga malinaw na kasagutan sa mga tanging katanungan tungkol sa Pananampalataya na tinutuligsa ng mga hindi Katoliko o mga hindi nauunawaan maging ng mga mananampalataya. Tinatangka ng bahaging Mga Tanong at Mga Sagot sa Katesismong ito na talakayin ang mga naturang tunay at tiyak na katanungang bumabagabag sa mga nakatatandang Pilipinong Katoliko sa ngayon. Ikalawa, layunin ng bahaging Mga Tanong at Mga Sagot na ilahad kung ano ang pinakamahalaga at pinakatampok na nilalaman ng bawat kabanata, na nilalagom ang makabuluhan sa mga ito. Samakatuwid, naibibigay ng Mga Tanong at Mga Sagot kung ano ang itinatagubilin para sa pagsasapuso ng pinag-aaralan sa pamamagitan ng pagsasaulo.

27. Sintesis. Kung gayon, ang katesismong ito ay mailalarawan sa sumusunod na maiikling paglalagom:

Ano? Isang Pambansang Katesismo na naglalahad ng pinakamahahalagang nilalaman ng Pananampalatayang Katoliko, na inihanda ng CBCP alinsunod sa mga alituntunin ng NCDP at batay sa Catechism of the Catholic Church (CCC) at ng Second Plenary Council of the Philippines (PCP II) kalakip ang National Pastoral plan (NPP);

Bakit? upang mailahad ang pinakamahahalagang nilalaman ng Pananampalatayang Katoliko sa paraang napapanahon, buo, sistematiko at nagsasaalang-alang sa kulturang Pilipino;

Paano? sa pamamagitan ng matatag at di-pabago-bagong pagbabatay ng mga pahayag nito ayon sa biblia at sa turo ng Simbahan habang patuloy na inuugnay sa karanasan at kulturang Pilipino, maging pansarili man o panlipunan;

Para Kanino? sa mga Pilipinong Katoliko na nasa gawain ng paghahatid ng Pananampalataya at sa lahat ng nagnanais na maragdagan ang kaalaman tungkol sa pananampalatayang Katoliko ngayon;

Sa Anong Paraan?

  • sa balangkas na naaayon sa Santatlong paglalahad ng pananampalataya, na nakasentro kay Jesu-Kristo, ang ating Katotohanan, ang ating Daan at ating buhay; at nananawagan para sa isang buhay-pagtugon sa Pananampalataya, Pag-asa at Pag-ibig, na pinasisigla ng halimbawa ni Mariang Ina ng ating Tagapagligtas at ganap na alagad niya.
  • binubuo ng 29 na kabanata, bawat isa ay may Panimula, may Kalalagayan, may masusing Paglalahad, may tanging halimbawa sa Pagbubuo, at nagtatapos sa isang paglalagom sa anyo ng Mga Tanong at Mga Sagot.
  • may panghuling kabanata, ang Pangwakas na salita, na siyang naglalagom ng buong aklat.



Doktrina, Moral na Pamumuhay at Pagsamba

21. Ang tatlong bahagi ng Doktrina, Moral na Pamumuhay at Pagsamba ay nagpapakilala sa Santatlo—Ama, Anak at Espiritu Santo, samantalang habang nakatuon kay Kristo bilang ating Katotohanan, ating Daan at ating Buhay (Tingnan Jn 14:16). Hinihikayat nito an gating tugong pinag-aalab ng Espiritu ng Pananampalataya, Pag-ibig at Pag-asa, bilang mga kasapi ng Katawan ni Kristo, n gating Katolikong pamayanan, ang Simbahan. At bilang pangwakas, ang tatlong Bahagi’y tumutugon sa tatlong pinakapangunahing tanong ng mga tao: sinasagot ng Doktrina ang “Ano ang maaari kong malaman?”; binibigyang linaw ng mga aral sa pamumuhay ang “Ano ang dapat kong gawin?”, at ipinagbubunyi ng mga Sakramento/Pagsamba ang “Ano kaya ang maaasahan ko?”

Samakatuwid, makikita sa kabuuang balangkas ng KPK ang pagsasama-sama ng tatluhang makatotohanang balangkas ng Pananampalatayang Katoliko: Doktrina (Kredo), Moral na Pamumuhay (Mga Utos) at Pagsamba (Mga Sakramento), at ang kabuuang panloob na balangkas sa lahat ng mananampalataya ng Ulo (paniniwala), mga Kamay (kumikilos/gumagawa), at Puso (dalanging may pagtitiwala).

Huwebes, Nobyembre 06 2008

Mga Nilalaman

Paunang Salita

Mga Saligan

  1. Sino ang Pilipinong Katoliko
  2. Ang Tawag ng Diyos: Pahayag
  3. Ang Ating Tugon: Sumasampalataya Tayo
  4. Ang Ating Kawalan ng Paniniwala

 

Bahagi 1

Si Kristo, Ang Ating Katotohanan (Doktrina)

  1. Doktrinang Katoliko: Si Cristo, Ang Ating Katotohanan
  2. Diyos, Amang Makapangyarihan
  3. Manlilikha ng Langit at Lupa
  4. Ang Pagkababa sa Kaluwalhatian
  5. Ang Diyos ay Nangako ng Isang Tagapagligtas
  6. Jesu-Kristo; Misyon at Persona
  7. Si Kristo ay Namatay
  8. Si Kristo’y Nabuhay at Muling Babalik

 

Bahagi II

Si Kristo, ang Ating Daan (Moral na Pamumuhay)

  1. Nabubuhay Bilang mga Disipulo ni Cristo
  2. Ang Hamon ng Pagsunod kay Cristo
  3. Ang Kristiyanong Batas
  4. Ibigin ang Panginoong Mong Diyos
  5. Mag-ibigan Kayo
  6. Igalang ang Handog ng Diyos: Ang Buhay
  7. Paggalang sa Kasarian ng Tao
  8. Pagtatatag ng Katarungan
  9. Paggalang sa Katotohanan

 

Bahagi III

Si Kristo, Ang Ating Buhay (Pagsamba)

  1. Ang Espiritu Santo
  2. Ang Simbahang Katolika
  3. Panalangin at Pagsambang Katoliko
  4. Binyag at Cumplí
  5. Ang Eukaristiya
  6. Pagpapagaling ni Cristo: Pakikipagkasundo at Pagpapahid ng Langis
  7. Kasal at mga Banal na Orden
  8. Muling Pagkabuhay ng Katawan at Buhay na Walang-Hanggan

 

  1. Pangwakas na salita:  Ang Panalangin ng Panginoon




Miyerkules, Nobyembre 05 2008

Ang Pangunahing Balangkas ng Catecismo

18. Ang balangkas ng KPK ay ayon sa Santatluhang (Trinitarian) pananaw ng Pananampalataya na nakasentro kay Kristo. Si Maria, Ina ng ating Tagapagligtas at ganap niyang alagad, ang nagsilbing mapagpasiglang huwaran nito tulad ng kanyang ginawa sa di mabilang na mga Pilipinong Katoliko sa mga panahong lumipas. Gayunman, ang pinakamahalaga’y maunawaan ang pangunahing balangkas ng KPK--kung ANO ang balangkas nito, at kung BAKIT ito ang napiling balangkas.

Tulad ng CCC mula sa Vaticano, ang Katesismo ng mga Pilipinong Katoliko (KPK) ay batay sa apat na pangunahing haligi: ang pagpapahayag ng Pananampalataya sa binyag (ang Kredo), ang mga Sakramento ng pananampalataya, ang buhay na pananampalataya (ang mga Utos) at ang panalangin ng mananampalataya (ang Ama Namin) (Tingnan CCC, 13).

Gayunman, kaiba sa CCC na pinagsunod-sunod lang ang apat na pangunahing haligi ng ganito: 1) Kredo; 2) Mga Sakramento; 3) Mga Utos, at 4) Panalangin, isinaayos ng KPK ang BUONG katesismo batay sa Kredo. Isinunod agad ang pagtalakay sa asl ng Kristiyano (Mga Utos) kasunod ang seksyon tungkol kay Jesu-Kristo, at pinagsama ang Panalangin at mga Sakramento na agad isinunod sa mga Katotohanan ng Pananampalataya tungkol sa Espiritu Santo at sa Simbahan. Ang paliwanag ng KPK tungkol sa Ama Namin sa gayon ang nagsisilbing Pangwakas na Bahagi na nag-uugnay sa buong katesismo.

19. Ang ganitong pagkakasunod-sunod ay may dalawang kapakinabangan: tuwiran nitong iniuugnay ang “pagtupad sa mg autos” sa “pagsunod kay Kristo,” at ang pagsasama ng mga Sakramento sa Panalangin, na parehong dumadaloy mula sa Espiritu Santo sa Buhay ng Simbahan.

Ang ganitong kaayusan ay tumutugon sa tawag ng NCDP na patatagin ang katekesis tungkol sa tamang pamumuhay sa pamamagitan ng tuwirang pag-uugnay ditto sa doktrinang Katoliko at pagsamba. Tinatanggap din nito ang hamon ng PCP II para sa isang “panibagong katekesis” sa pamamagitan ng pagsulong mula sa pagiging “kaalamang isinasaulo” lamang ang mga doktrina sa isang banda o sa kabilang banda, ng labis na ritwalismong debosyonal upang mapaunlad ang isang tunay na buong Pananamplataya ng maalab na Kristiyanong paglilingkod at pagsamba.

20. Ang KPK ay isinaayos sa tatlong pangunahing bahagi, na nagsisimula sa Paunang salita at Mga Saligan, at tinatapos sa pangwakas na salita na lumalagom sa buong Katesismo.





Martes, Nobyembre 04 2008

Para Kanino ang Katesismong Ito

16.      Ang KPK ay sadyang itinuon para sa mga nasa aktibong pagpapahayag o pag-aaral ng Pananampalataya: mga pari, relihiyoso o relihiyosa, katekista, guro sa relihiyon – at higit nawa para sa lahat, ang mga magulang. Ito ay isang katesismo para sa nakatatanda sa dahilang ito ay inilaan upang maging aklat-sanggunian para sa mga nagsasalita sa mga dumadalo sa Misa sa Linggo sa isang karaniwang parokyang Filipino. Kung gayon, hindi ito isang aklat na pangrelihiyon para sa parokya o paaralan. Ito ay inilalaan upang maging madaliang-sanggunian para sa pamparokyang katekesis, at para sa paggawa ng mga aklat na pangrelihiyon na angkop sa mababa at mataas na paaralan o sa kolehiyo.

 17.      Ang katesismong ito ay laan para sa mga Pilipinong Katolikong buhay ang pananampalataya at hindi para sa paghikayat ng mga bagong mananampalataya sa Pananampalatayang Katoliko. Gayunman, ito rin ay kapaki-pakinabang sa sinumang nagnanais na magkaroon ng higit na kaalaman tungkol sa Pananampalatayang Katoliko. Dahil ang pagpapaliwanag nito ng Pananampalataya ay batay sa Banal na Kasulatan at ang balangkas nito ay batay sa Kredo, ang katesismong ito ay maaaring magbigay-daan sa isang mabungang ekumenikong pakikipag-usap sa ibang mga Kristiyano. Dahil binibigyang-diin nito ang buhay na Tradisyon ng local na Simbahang Katoliko, parehong nabibigyan ng halaga ang mga pangunahing aral ng CCC, lalo na ang mga aral ng Vaticano II at ng mga pahayag ng Kapulungan ng mga Obispo ng Filipinas (CBCP).

           Ang katesismong ito ay nagkakaloob sa mga Pilipinong Katoliko ng tamang pagpapaliwanag sa pamamagitan ng pagbibigay ng “dahilan para umasa” na ipinagkakaloob sa kanila ng Pananampalataya (1 Ped 3:15). Hinihikayat nito ang mga mambabasa na “matatag na manghawak sa tunay na aral upang ito’y maituro sa iba at maipakikilala ang kamalian ng mga sumasalungat dito” (Tito 1:9).