Miyerkules, Oktubre 29, 2008

Bakit Kailangan ang Bagong Katesismo?

3.      Ang pangunahing dahilan para sa bagong katesismong ito ay walang iba kundi ang misyong iniatas ni Kristong Muling Nabuhay sa Kanyang mga apostol. “Gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa…at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo” (Mt 28:19-20). Kung gayon, ang praktikal na layunin ng katesismong ito ay makapagbigay ng mabisang kasangkapan para sa mapanlikhang pagtuturo ng Pananampalatayang Katoliko sa mga Pilipino. Samakatuwid, layunin nitong makatulong “Tungo sa isang Panibago at Buong Ebanghelisasyon, (“Towards a Renewal Integral Evangelization”) na siyang tinalakay sa National Pastoral Plan (NPP) ng PCP II.

 

4.      Sa katunayan, ang KPK ay batay sa daloy ng plano ng NPP. Ito ay napag-isipang gawin bilang tugon sa panawagan para sa pagpapanibago ng katesismo na kinakailangan sa Simbahan ng mga Dukha. Nabuo ang katesismong ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pangunahing alituntunin na itinakda ng NCDP para sa katekesis sa Pilipinas. Naglalahad ito ng mga magpapaganap na alituntunin at nilalaman para sa isang panibago at buong katekesis. Pinapangarap nitong makamit ang parehong layunin ng isang Pamayanan ng mga Alagad ng Panginoon.

 

5.      Sa katunayan, marami nang katesimo ang lumalaganap ngayon sa Pilipinas. Bukod dito may iba’t ibang mga aklat na panrelihiyon ang nailimbag para sa iba’t ibang antas ng pagtuturo  ng relihiyon sa mga paaralan. Gayunpaman, ang panawagan ng PCP II para sa panibago at buong katekesis ay lalo pang nagpatindi sa nakikitang pangangailangan para sa isang bago, napapanahon, at opisyal na pinahintulutang pagpapaliwanag ng Pananampalatayang Katoliko. Kailangan natin ang isang catecismo na sadyang isinulat para sa mga Filipino, sa ating tunay at konkretong kalagayan. Sa maraming bahagi ng ating bansa, hindi madaling makakita ng mga katesismong Katoliko. Kung mayroon man, madalas na makaluma na ang mga ito, o kaya;y may pagkukulang, may kinikilingan, o gawa sa ibang bansa at hindi talagang isinulat para sa mga Pilipino. Maging ang Catechism of the Catholic Church (CCC) na mula sa Vaticano at sinasabing “tiyak at tunay na sangguniang aklat para sa pagtuturo ng doktrinang Katoliko” ay nangangailangan pa rin ng pag-aangkop sa kalagayan nating mga Pilipino upang maging tunay na katesismong angkop sa ating kultura.

 

6.      Kung hayon, may mahigpit na pangangailangan, una sa lahat, para sa isang katesismong tumutugon sa lkalagayan ng Filipinas, na may natatanging pangangailngan, katangian at suliranin. Binibigyan ng mabigat na dic ng NCDP ang isang tunay na ketesismong angkop at tumutugon sa konkretong kalagayan at kultura ng mga Pilipinong Katoliko at pamilya sa ngayon, ayon sa kulturang Filipino at mga pagpapahalaga. Kasabya nito, ang mga kalagayang local at panrehiyon ay kailangang tingnan ayon sa kabuuan ng Simbahang Filipino. Gayundin, ang nilalaman ng catecismo ay nararapat na laging kaugnay ng opisyal na pagpapahayag ng pangkalahatang doctrina, moral at pagsamba ng Pananampalatayang Katoliko na isinasaad sa CCC.

 

7.      Dumaranas ng radikal na mga pagbabago ang katangiang-likas at mga kalagayan ng mga pamilyang Filipino, sa mga pagpapahalagang Filipino at mga sistema ng paniniwala, sa gitna ng lumalagong modernisasyon, kasabay ng dulot nitong pagbabago sa ekonomiya at pulitika. Malawi ang epekto nito sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Cristo sa mga Filipino ngayon. Kaya nga’t ang isang pambansang catecismo na inihanda ng CBCP at opisyal na pinahintulutan ng kinauukulang Kongragasyon sa Vaticano ay kumakatawan sa isang katangi-tanging pagsulong kung ihahambing sa mga panrehiyong paglalahad ng Pananampalataya na may pagkukulang at di sapat.

 

8.      Ang ikalawang pangangailangan ay nagmumula sa kalagayang may malawak na pagkakaiba-iba’t pagkamarami na naging malaganap pagkatapos ng Ikalawang Konsilyo Vaticano. Ang pag-aaral ng Biblia, mga pagbabago sa liturhiya, pagtuturo ng mga pagpapahalagang pantao, at pagbibigay-diin sa katarungan—ang lahat ng ito ang humubog sa ganitong bagong lagay ng panahon. Ang dami ng magkakaibang pangkat na madalas nagtuturo ng mga magkakasalungat na doktrina (aral-pananampalataya) at paraan ng pagkilos, ang lumito maging sa mga pangunahing sangkap ng pananampalataya. May ilan na dahil sa takot na mawala ang pananampalatayang Katolika ay naging pundamentalista sa pananaw. Ang iba naman ay nahikayat ng bagong sektang madasalin o karismatiko na tumiwalag sa Simbahang Katolika upang sumapi sa mga sibiko-relihiyosong pangkat na “higit na personal” at “higit na mainit” sa kanilang pagtanggap. Marami namang iba pa ang nababahala sa ganitong mga pangyayari at naghahanap kung paano tutugon sa mga bagong hamong ito (Tingnan PCP II, 216-28).

 

9.      Sa ganitong kalagayan na nararanasan ng mga Katoliko sa buong mundo, ang bago at napapanahong Katesismopara sa mga Pilipinong Katoliko ay tumutugon sa tatlong pangunahing pangangailangan. Una, sa gitna ng mga mapanghikayat na propaganda, ang mga Pilipinong Katoliko ay naghahanap ng maaasahangKatolikong pagpapahayag, lalo na sa katekesis na pampamilya at pangkabataan. Ikalawa, upang tuligsain ang pangkaraniwang paghahangad sa maksariling kalayaan at lalong marangyang pamumuhay, ang mga Katoliko ay naghahanap ng malinaw na pananaw tungkol sa tunay na mga pagpapahalagang moral at pananagutan ng mga kristiyano. Ang moralidad sa kasalukuyan ay kinakailangang umaayon sa paglilingkod na pangunahing hinihingi ng Ebanghelyo, lalo na para sa mga dukha. Ikatlo, sa gitna ng masuring paghahanap ng mga bagong paraan ng pananalangin at di-pangkaraniwang karanasan sa pananampalataya, hinahanap ng mga Katoliko ang kanilang pinag-uugatan sa Katolikong tradisyon ng pampamayanang pagsamba (Tingnan NCDP, 54).




Walang komento: