Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pananampalataya. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pananampalataya. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Hulyo 10, 2009

Mga Saligan


Ang pambungad na bahagi ng pambansang katesismong ito ay binubuo ng apat na kabanata na nagsisilbing haligi ng buong katesismo: ang Pahayag at Pananampalataya sa konkretong karanasang pantao ng mga Pilipino, pansarili at panlipunan.

Sa Kabanata I ay inilalarawan ang Pilipinong Katoliko na siyang pinatutungkulan ng katesismong ito. Napakahalaga ang “pag-aangkop sa kultura” ng lahat ng katesismo ngayon lalo na para sa isang “pambansang” katesismo na ang tiyak na layunin ay ipahayag ang mga pinakamahahalagang nilalaman ng Pananampalatayang Kristiyano habang isinasaalang-alang ang pananaw nating mga Pilipino. Ito ang hamong inihaharap sa atin ng second plenary Council of the Philippines(PCP II).

Sa Kabanata 2 ay inilalahad ang Pahayag ng Diyos bilang saligan n gating Pananampalatayang Katoliko. Agad itong sinusundan ng Kabanata 3 na tumatalakay naman sa Pananampalataya, ang ating positibong pagtugon sa Pahayag. Hindi lubusang mauunawaan ang alinman sa Pahayag o maging sa Pananampalataya kung ito’y magkahiwalay. Hindi ito mga haka-haka lamang na mahirap maunawaan kundi ang katotohanan ng Diyos na buhay na aktibong nag-aanyaya sa atin upang tayo ay Malaya at personal na tumutugon sa pananampalataya at pag-ibig. Ang Diyos ay ipinahayag ni Jesu-Kristong ating Panginoon, na siyang namagitan upang tayo ay makatugon sa pananampalataya sa pamamagitan ng Espiritu Santong isinugo ng Ama at ni Kristong Muling Nabuhay.

Ang Kabanata 4 ay tungkol naman sa laganap na suliranin sa kasalukuyan maging sa Pilipinas, ang Kawalan ng Paniniwala. Ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang Sarili at an gating tugon sa Pananampalataya ay hindi nagaganap sa isang hungkag na lugar kundi sa tiyak na “kalagayang pantao” nating mga Pilipino na naglalagay ng napakaraming hadlang sa ating buhay na pananampalataya. Ang pangunahing suliranin ay hindi ang paniniwalang walang Diyos, kundi ang “kawalan ng paniniwala ng mga mananampalataya”—lubhang marami ang nagsasabing mga Kristiyano sila ngunit hindi naman nakikita ang epekto ng Pananampalatayang kristiyano sa kanilang buhay…

Sa masusing pagkakabuo ng katesismong ito, ang saligan ay inilalagay para sa pagsisimula ng isang matatag, mapanuri, napapanahon, at tunay na umaangkop sa kultura sa pag-aaral ng Doktrina, Moral na Pamumuhay at Pagsambang Katoliko. Masasabing ang layunin ng tatlong Bahagi ng Katesismong ito at ang sumusunod na mga kabanata nito ay may natatanging gampanin na isa-isang tukuyin ang mga pangunahing kahulugan ng pagkakaloob ng Diyos ng Kanyang Sarili sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesu-Kristo, at ang personal nating tugon sa pananampalataya, sa paniniwala, sa pagkilos at sa pananalangin bilang mga alagad ni Kristo, sa loob ng Simbahan na kanyang Katawan.




Miyerkules, Nobyembre 5, 2008

Ang Pangunahing Balangkas ng Catecismo

18. Ang balangkas ng KPK ay ayon sa Santatluhang (Trinitarian) pananaw ng Pananampalataya na nakasentro kay Kristo. Si Maria, Ina ng ating Tagapagligtas at ganap niyang alagad, ang nagsilbing mapagpasiglang huwaran nito tulad ng kanyang ginawa sa di mabilang na mga Pilipinong Katoliko sa mga panahong lumipas. Gayunman, ang pinakamahalaga’y maunawaan ang pangunahing balangkas ng KPK--kung ANO ang balangkas nito, at kung BAKIT ito ang napiling balangkas.

Tulad ng CCC mula sa Vaticano, ang Katesismo ng mga Pilipinong Katoliko (KPK) ay batay sa apat na pangunahing haligi: ang pagpapahayag ng Pananampalataya sa binyag (ang Kredo), ang mga Sakramento ng pananampalataya, ang buhay na pananampalataya (ang mga Utos) at ang panalangin ng mananampalataya (ang Ama Namin) (Tingnan CCC, 13).

Gayunman, kaiba sa CCC na pinagsunod-sunod lang ang apat na pangunahing haligi ng ganito: 1) Kredo; 2) Mga Sakramento; 3) Mga Utos, at 4) Panalangin, isinaayos ng KPK ang BUONG katesismo batay sa Kredo. Isinunod agad ang pagtalakay sa asl ng Kristiyano (Mga Utos) kasunod ang seksyon tungkol kay Jesu-Kristo, at pinagsama ang Panalangin at mga Sakramento na agad isinunod sa mga Katotohanan ng Pananampalataya tungkol sa Espiritu Santo at sa Simbahan. Ang paliwanag ng KPK tungkol sa Ama Namin sa gayon ang nagsisilbing Pangwakas na Bahagi na nag-uugnay sa buong katesismo.

19. Ang ganitong pagkakasunod-sunod ay may dalawang kapakinabangan: tuwiran nitong iniuugnay ang “pagtupad sa mg autos” sa “pagsunod kay Kristo,” at ang pagsasama ng mga Sakramento sa Panalangin, na parehong dumadaloy mula sa Espiritu Santo sa Buhay ng Simbahan.

Ang ganitong kaayusan ay tumutugon sa tawag ng NCDP na patatagin ang katekesis tungkol sa tamang pamumuhay sa pamamagitan ng tuwirang pag-uugnay ditto sa doktrinang Katoliko at pagsamba. Tinatanggap din nito ang hamon ng PCP II para sa isang “panibagong katekesis” sa pamamagitan ng pagsulong mula sa pagiging “kaalamang isinasaulo” lamang ang mga doktrina sa isang banda o sa kabilang banda, ng labis na ritwalismong debosyonal upang mapaunlad ang isang tunay na buong Pananamplataya ng maalab na Kristiyanong paglilingkod at pagsamba.

20. Ang KPK ay isinaayos sa tatlong pangunahing bahagi, na nagsisimula sa Paunang salita at Mga Saligan, at tinatapos sa pangwakas na salita na lumalagom sa buong Katesismo.