Ipinapakita ang mga post na may etiketa na maria. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na maria. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Hulyo 11, 2009

G. Ang Pamamaraang Filipino


45. Ngunit ang pagtanggap kay Jesu-Kristo na tumutugon sa mga pangunahing katangiang Pilipinong ito ay lumitaw sa kasaysayan at nagpapatuloy sa isang karaniwang paraang “maka-Pilipino.” Ang pangunahing katangian ng Simbahan sa Filipinas ay ang pagiging pueblo amante de Maria” – isang sambayanang nagmamahal kay Maria. Bago p aman dumating ang mga Kastilang misionero, mayroon nang isang maliit at itim na imahen ng Mahal na Birhen na kilala lamang na “galling sa karagatan,” ang pinararangalan sa dalampasigan ng Manila Bay. Doon nagsimula ang debosyon sa Nuestra Seňora de Guia, Ang Mahal na Birheng Gabay ng Daan, ang natitirang pinakamatandang imahen ni Maria sa Filipinas (PCP II, 153).

46. Ang karaniwang “maka-Pilipinong” paraan ng paglapit kay Kristo, samakatuwid, ay kasama ni Maria at sa pamamagitan ni Maria. Ang debosyon kay Maria ay laging may matalik na kaugnayan kay Kristo. Ang dalawang pangunahing Misteryo ng ating Pananampalataya kay Kristo. Ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao na ipinagdiriwang tuwing Pasko at ang Pagliligtas na ipinagdiriwang tuwing Mahal na Araw (Semana Santa) ay may malalim na tatak ng pagpaparangal kay Maria. Malinaw na makikita ito sa Simbang Gabi (Misa de Gallo o de Aguinaldo) at sa Panunuluyan sa panahon ng Pasko at sa Salubong sa umaga ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (NCDP, 242).

47. Tila bahagi na nga n gating kalikasan bilang mga Pilipino ang debosyon at pananalangin kay Maria. Malaki ang bahagi ni Maria sa bawat isa sa limang katangiang Pilipino na naghahatid sa atin kay Kristo. Ang mga altar na matatagpuan sa maraming tahanang Pilipino ay nagpapatunay ng pagtanggap natin kay Maria bilang ina ni Jesús at espirituwal na ina. Samakatuwid, siya ay nasa sentro ng ating pagpapahalaga sa pamilya. Bilang mahiligin sa pagdiriwang at salu-salo, ang buwan ng Mayo na tinatawag na buwan ni Maria, ay kilala sa mga pista para sa kanyang karangalan at mga paglalakbay sa kanyang mga dambana. Sa ating pagdurusa sa buhay, kinikilala natin si Maria bilang Mater Dolorosa, ang Nagdadalamhating Ina, na ang “Laging Saklolo,” habag at pagmamahal ay ating hinihingi, sa pamamagitan ng mga kalat na nobena at iba pang debosyon.

Dahil mapagpahalaga tayo sa mga bayani, itinuturing natin si Maria bilang Reyna natin, ang mapagmahal na ina ni Kristong ating Hari. Gayundin naman, siya ang dalagang nagtalaga ng buhay: “Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi” na tatlong ulit na binabanggit sa “Orasyon” (Angelus). At panghuli, bilang mga Pilipinong mapaniwala sa espiritu, pinararangalan natin si Maria bilang babaeng nililiman ng Espiritu Santo upang ang isisilang niya’y matawag na Anak ng Diyos (Tingnan Lu 1:35). Ang maraming grotto ng Lourdes sa iba’t ibang panig ng bansa ay nagpapatunay lamang na tayong mga Pilipino ay madaling maakit sa kanyang maraming pagpapakita.

48. Malawi ang naitutulong ng debosyon kay Maria, ang Mahal na Birhen, wsa mga karaniwang Pilipino upang manatili silang Katoliko. Ang malalim na debosyon nila sa Ina ng Diyos ay naging matinding lakas nila sa pagpapanatili ng kanilang buhay na pananampalataya (Ang Mahal na Birhen, 67). Noon at ngayon, si Maria ay nananatiling maalab na inspirasyon na nagbibigay-lakas sa pagdadala ng higit na malalim na pagpapahayag ng Ebanghelyo sa ating masang Pilipino, “ang pananggalang sa pagpapanatili n gating Katolikong Pananampalataya at ang saligan na mas malalim at ganap na pagpapahayag ng Ebanghelyo” (Ang Mahal na Birhen, 72-73).




Biyernes, Hulyo 10, 2009

KALALAGAYAN


31. Tayong mga Pilipino ay may mahabang kasaysayan ng mga karanasang panrelihiyon na lubhang matindi at makulay: mula sa mga panahong bago dumating sa atin ang Kristiyanismo, sa daan-daang taong pagpapalaganap ng ebanghelyo ng mga Kristiyanong Kastila, tuloy sa pagdagsa ng Amerikanong Protestante noong panahon ng Commonwealth at sa pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hanggang sa makalipas ang “Ikalawang Pentekostes” ng Vaticano II at sa “People Power” at hanggang sa mga “Basic Christian Communities” ngayon at ang Second Plenary Council of the Philippines (PCP II). Ang pagkaunawa at pag-ibig natin kay Jesukristo ay nakulayan n gating mga pansarili at pambansang karanasan ng pagdurusa at pakikibaka, ng tagumpay at pagdiriwang. Ang pananampalataya natin kay Jesus ay natatakan n gating malalim na debosyon kay Maria na kanyang Ina at ating Ina at ating Ina at Huwaran. Kahit papaano, ang lahat ng mga karanasang ito ay nagbigay linaw at katiyakan sa ating natatanging pagkakakilanlan bilang mga tao, bilang mga Kristiyano, bilang mga Pilipino, bilang isang bansa.

32. Ang PCP II ay isinagawa “upang suriin kung nasaan na tayo; upang tignan kung nasaan tayo patungo; upang muling papag-alabin ang buhay natin kay Kristo; upang pagkaisahin ang lahat ng bagay sa Kanya (PCP II, 7). Kung gayon, ang ating Pananampalatayang Katoliko ay dapat nakaangkop sa ating natatanging kulturang Pilipino na may bahagi rin sa paghubog n gating mga karanasan sa pananampalataya sa paglipas ng mga taon. Ang Katesismong ito ay kumakatawan sa isang seryosong pagsisikap na makapaglahad ng mga mahahalagang nilalaman ng Pananampalataya na nakaangkop sa kultura ng mga Pilipinong Katoliko ngayon.